Senado, iimbestigahan ang pagkamatay ni Kian Lloyd delos Santos
Kumpiyansa si Sen. Bam Aquino na malaki ang maitutulong ng gagawing imbestigasyon ng Senado para malaman ng publiko ang totoong nangyari sa pagpatay kay Kian Lloyd delos Santos sa anti-illegal drug operation sa Caloocan City.
Umaasa si Aquino na sa tulong ng narekober na mga CCTV footage sa lugar ngpinangyarihan ng krimen, makikita ng publiko kung ano ang totoong nangyari rito.
Aniya, sa tulong din ng isasagawang pagdinig ng Senado, mapapanagot ang mga tao na posibleng nasa likod ng madugong operasyon sa Caloocan City.
Ayon sa Senador, nakakapangamba ang mga impormasyon hinggil sa nangyayaring patayan sa ilang bahagi ng bansa kaugnay ng anti-illegal drug war ng Duterte administration.
Sa kabila nito, binigyan diin naman ng Senador na suportado niya ang nasabing kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit kinakailangan na dumaan ito sa tamang proseso at huwag pairalin ang impunity.
maghahain si Aquino ng resolusyon ngayong araw para maimbestigahan ng Senado ang madugong insidente na nagresulta sa pagkamatay ni Delos Santos.