Senado inimbitahan na si COMELEC Chair Andres Bautista para ipaliwanag ang mga kaduda dudang bank accounts
Padadalhan na rin ng imbitasyon ng Senate Committee on Banks and Financial Institutions si COMELEC Chairman Andres Bautista para ipaliwanag ang mahigit tatlumpung bank accounts na hindi idineklara sa kaniyang Statement of Assets Liabilities and Networth.
Inaprubahan ng komite ang mosyon ni Senador Grace Poe na maipatawag si Bautista para personal na sagutin ang detalye ng bank accounts na nagkakahalaga ng mahigit 329 million pesos.
Tumanggi naman ang Luzon Development Bank na magbigay ng detalye sa mga kinukwestyong bank accounts dahil walang ini-isyung waiver mula kay Bautista batay sa itinatakda ng Bank Secrecy Law.
Sa pagdinig ng komite, nauna nang kinastigo ni Poe ang kung bakit hindi nagdeklara ng red flag sa mga accounts ni Bautista gayong ayon sa report ng asawa ni Bautista na si Patricia, araw-araw nagkaroon ng withrawals.
Iginiit ni Poe na kung nagdeklara ng red flag ang LDB, agad makapagsasagawa ng imbestigasyon ang Anti Money Laundering Council lalo at si Bautista ay isang public official.
Ulat ni: Mean Corvera