Peter Co, humarap sa pagdinig ng DOJ sa isyu ng illegal drug trading sa Visayas
Humarap sa DOJ ang drug convict at bilibid inmate na si Peter Co para sa pagdinig ng reklamong isinampa laban sa kanya ngPNP- CIDG dahil sa pakikipagsabwatan sa grupo nina Kerwin Espinosa sa illegal drug trading sa Visayas.
Gwardyado si Co ng mga tauhan ng PNP-SAF na nakatalaga sa bilibid.
Sa pagdinig ay isinumite at pinanumpaan ni Co ang kanyang kontra-salaysay sa reklamong paglabag sa section 26-b ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o conspiracy to commit drug trading.
Dumalo rin sa hearing si Espinosa na naghain din ng kanyang counter-affidavit.
Samantala, bigo pa ring magpakita sa preliminary investigation ang negosyanteng si Go Lim alyas Jaguar na sinasabing big time drug supplier sa Visayas.
Bagaman isinumite ng mga abogado ni Lim ang kontra salaysay ng kanilang kliyente ay hindi ito tinanggap ng DOJ panel.
Tinukoy ni Atty. Magilyn Loja na pinanumpaan naman ni Lim ang counter affidavit kay Manila City Senior Prosecutor Antonio Valencia noong August 22 kaya alinsunod ito sa rules of court at dapat tanggapin.
Pero sinabi naman ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes na paano nila matitiyak na si Lim nga ang humarap sa piskal at nanumpa ng kontra salaysay.
Nagawa anyang pumunta sa Manila Prosecutor Office ni Lim pero di makatungo sa DOJ.
Giit pa ni Reyes batay sa National Prosecution Service rules kailangan muling personal na panumpaan ng mga respondents sa investigating panel ang kanilang salaysay.
Binigyan ng panel ng hanggang ngayong araw si Lim para magpakita sa kanila at kung mabibigo ito ay di na ito bibigyan ng pagkakataon na magsumite ng kanyang depensa.
Itinakda naman ngDOJ ang susunod na pagdinig sa September 6.
Ulat ni: Moira Encina