Apat na pulis Caloocan na sangkot sa pagkamatay ni Kian delos Santos sinampahan na ng reklamo ng PAO sa DOJ
Pormal nang sinampahan ng reklamong kriminal ng Public Attorney’s Office sa DOJ ang apat na pulis Caloocan na dawit sa pagpatay sa labing pitong taong gulang na si Kian Lloyd delos Santos.
Kasama ng PAO ang mga magulang ni Kian na personal na sinumpaan sa piskalya ang isinampang reklamo.
Reklamong murder at paglabag sa Anti Torture Act leading to death and involving children ang inihain ng PAO laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz, precinct commander Chief Insp. Amor Cerillo at ilan pang John Does.
Sinabi ni PAO Chief Percida Acosta na mayroong treachery sa pamamaslang ng mga nasabing pulis sa binatilyo sa isinagawang anti drug operation ng mga ito noong August 16.
Iginiit ng PAO na walang kalaban-laban ang biktima nang barilin ito.
Mayroon din silang matibay na ebidensya na si Kian ang kinaladkad ng pasakal ng dalawang pulis na nakuha sa CCTV.
Kinumpirma ni Acosta na hawak na nila ngayon ang pang-apat na testigo sa insidente.
Hihilingin ng PAO sa DOJ na maisailalim sa Witness Protection Program ang mga testigo.
Ulat ni: Moira Encina