PNP dumipensa sa isyu na umaasa lang sa social media sa pangangalap ng intel report
Nagpaliwanag ang pamunuan ng Philippine National Police matapos aminin na isa ang social media sa pinagkukunan nila ng intelligence report lalo na tungkol sa mga transaksiyon sa iligal na droga.
Aminado si PNP Spokesman C/Supt. Dionardo Carlos, lahat ng mga available information mula sa iba’t ibang sources ay kanilang ginagamit kabilang na ang social media at internet.
Binigyang-diin naman ni Carlos na ang lahat ng mga impormasyon na kanilang nakalap ay “subject for validation” pa hanggang makabuo sila ng intelligence product para matukoy na reliable ang pinagmulan ng impormasyon at may kredibilidad ang source.
Pagtiyak ng PNP hindi lang sila umaasa sa social media para mangalap ng intelligence report kaugnay sa mga pinaghihinalaang drug offenders.
Reaksyon ito ng PNP matapos umani ng batikos dahil sa pahayag ni Caloocan City Police Chief S/Supt. Chito Bersaluna sa Senate hearing na umasa lamang sila sa impormasyon sa social media na sangkot sa iligal na droga ang 17-anyos na binatilyong napatay na si Kian Loyd delos Santos
Sinabi ni Carlos na maingat ang PNP sa pagbusisi kung reliable at may kredibilidad ang mga impormasyon na kanilang nakukuha mula sa iba’t ibang sources.