PNP mataas pa rin ang morale sakabila ng kontrobersiya sa pagkamatay ni Kian delos Santos
Nananatili pa ring mataas ang morale ng PNP sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap kaugnay sa pagkakapatay sa disisiyete anyos na umano’y drug courier na si Kian delos Santos.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananagot ang dapat managot at hindi bibigyan ng pardon kapag napatunayang umabuso ang mga suspek na pulis.
Nilinaw naman ni National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde na hindi dahil sa sinabi noon ng Pangulo na sasagutin niya at aakuin ang responsibilidad kapag may mga reklamo kaugnay sa pinaigting na kampanya sa war on drugs ay palulusutin na nito ang mga paglabag at pang aabuso sa hanay ng pulisya.
Sinabi pa ni Albayalde na hindi ningas kugon ang PNP at patuloy ang ginagawang cleansing sa kanilang hanay.
Mas lalo pa aniyang tinututukan ang random drug testing sa mga police.
Tiniyak din ni Albayalde na sisiguraduhin nilang masisibak sa serbisyo ang sinumang mapapatunayang pulis na gumagamit ng iligal na droga.