DOJ hiniling sa SC na ilipat sa QCRTC mula sa Ozamiz City RTC ang paglilitis sa mga kasong kinakaharap ng magkapatid na Parojinog

Pormal nang hiniling ng DOJ sa Korte Suprema na ilipat sa Quezon City Regional Trial Court mula sa Ozamiz City rRTC ang paglilitis sa mga kasong kinakaharap ng magkapatid na Parojinog.

Sa kanyang sulat kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ang paglilipat ng trial venue ay dahil sa usaping seguridad lalo nat sa Kampo Crame sa Quezon City nakakulong ang magkapatid.

Kung gagawin sa labas ng Ozamiz City ang paglilitis ay maiiwasan aniya ang posibilidad ng mga pagbabanta, pananakit at pagiimpluwensya ng kampo ng mga akusado sa mga testigo ng prosekusyon.

Bukod dito mababawasan aniya ang pangangailangan ng dagdag na security personnel sa mga testigo at prison guard sa mga Parojinog.

Katwiran pa ni Aguirre ang mga hukom na hahawak sana ng mga kaso  ay una nang nagpahayag ng pag-aalinlangan sa pagdinig ng kaso ng magkapatid

Nangangamba rin aniya ang mga piskal ng Ozamiz City sa oras na hawakan at usigin nila sa Korte doon ang kaso.

Si Vice Mayor Nova Princess Parojinog ay sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and ammunition at possession of dangerous drugs sa Ozamiz RTC Branch 15.

Habang si Reynaldo Parojinog Jr. ay nahaharap sa kasong possession of dangerous drugs, illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives sa Ozamiz RTC Branch 35.

Ulat ni: Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *