TUCP, suportado ang compressed work week bill
Suportado ng Trade Union Congress of the Philippines ang compressed work week bill sa Kongreso.
Ayon kay TUCP Spokesman Alan Tanjusay, matagal na itong pinag-uusapan sa Kongreso at marami na ring private enterprises at local government units ang nagpapatupad nito.
Giit pa ni Tanjusay, wala naman silang nakikitang paglabag sa batas paggawa taliwas sa agam-agam ng ilang labor group na maaring abusuhin ito ng mga employer kung labis na ang magiging overtime ng mga manggagawa.
Nilinaw din ni Tanjusay na ito naman ay voluntary at ipatutupad lamang kung magkakasundo ang mga employer at kanilang mga manggagawa.
Una ng inihayag ng TUCP na sinuportahan nila ang 4-day work week basta walang mababawas na sahod at benepisyo ng mga manggagawa.
Sa pamamagitan ng panukala, madadagdagan ang oras ng manggagawa para makasama ang kanilang pamilya at magkakaroon pa ng pagkakataong magkaroon ng sideline.
Kabilang sa mahigpit na kumokontra sa panukalang batas ang grupo ng employers na Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU).