Plano ng pamilya Marcos na isauli ang bahagi ng umanoy ill gotten wealth nito mayroong legal repercussions ayon kay Justice Secretary Aguirre

Naniniwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mayroong legal repurcussions  ang ulat na bukas (open) ang pamilya Marcos na isauli ang bahagi ng sinasabing nakaw na yaman ng mga ito.

Sinabi ng kalihim na may mga nakabinbing kaso pa na hinahabol ang Presidential Commission on Good Government kaugnay sa Marcos wealth gaya ng mga forfeiture proceedings na maaring maapektuhan.

Bukod pa dito ang legal na implikasyon sa plano ni Pangulong Duterte na bumuo ng anti-graft body.

Gayunman ayon kay Aguirre, may kapangyarihan naman ang Pangulo na pumasok sa mga compromise deals sa mga Marcos basta ito ay nakapaloob sa enabling o administrative law na iisyu mismo ng Presidente.

Kaugnay nito, inihayag ni Aguirre na kung tatanungin siya ng Pangulo, imumungkahi niyang gawing alternatibong anti-graft body ang PCGG.

Maaari aniyang magtalaga ang punong ehekutibo ng regular na Chairperson at dalawa pang PCGG Commissioner para makumpleto ang mga opisyal sa PCGG.

Ang isang Commissioner na itatalaga ng Pangulo ay pwedeng italaga para hawakan ang imbestigasyon sa mga masasangkutang katiwalian ng kanyang mga appointee, habang ang isa namang Commissioner ay maaring manguna sa negosasyon sa mga Marcos.

Ulat ni: Moira Encina

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *