Pag-apruba sa 2018 National budget, target tapusin ng Kamara sa linggong ito
Target ng House Appropriations Committee, na maaprubahan na sa Kamara ngayong linggo ang proposed P3.767-trillion 2018 national budget.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Nograles, chairman ng nasabing komite, bukas na aarangkada ang kanilang pagdinig sa plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso hinggil sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Magbibigay siya ng kanyang sponsorship speech sa plenaryo ngayong araw, para sa House Bill 6215 o ang 2016 General Appropriations Bill, na siyang magiging hudyat namang para sa pagsisimula ng nasabing debate.
Kabilang sa mga ahensyang sasalang ang pondo ngayong araw sa naturang debate ay ang Department of Budget and Management, Department of Finance, National Economic and Development Authority, Department of Tourism at ang Department of Labor and Employment.
Iginiit ni Nograles na isusulong niya ang pagpapatibay sa ikatlo at huling pagbasa ng naturang panukala sa darating na Biyernes.
Dagdag pa nito, umaasa rin sila na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed budget sa Nobyembre 15 para maging ganap na batas na ito.