JBC, tumangging ilabas ang resulta ng psychiatric testing kay CJ Sereno
Tumanggi ang Judicial and Bar Council na ipalabas ang resulta ng psychiatric testing kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay kaugnay sa kahilingan ni Atty. Lorenzo Gadon na isa sa mga naghain ng impeachment complaint laban sa punong mahistrado.
Sa dalawang -pahinang liham ngJBC kay Gadon, sinabi na hindi nila pwedeng ipalabas ang kopya ng psychiatric test results ni Sereno dahil ito ay strictly confidential.
Partikular na tinukoy ng JBC ang confidentiality rule sa ilalim ng Section 3, rule 6 ng revisedJBC rules.
Ayon pa sa JBC, ang resulta ng psychological exams ay ginagamit lamang nila para sa evaluation.
Ang sulat kay Gadon ay nilagdaan ni JBC Executive Officer Atty. Annaliza Ty-Capacite at JBC regular member at acting executive committee Chairperson Atty. Jose Mejia.
Samantala, ang Supreme Court en banc naman ang magpapasya kung ipapalabas din ang hinihing ni gadon na personal data sheet ni Sereno nang siya ay maghain ng aplikasyon sa pagiging Associate Justice noong 2010 at pagiging Chief Justice noong 2012.
Una nang pinahintulutan ng Korte Suprema ang paglalabas ng kopya ng 20 dokumento na hinihingi ni Gadon gaya ng kopya ng SALN ng punong mahistrado at ang may kaugnayan sa biniling Toyota Landcruiser para kay Sereno.
Ang kopya ng listahan ng lahat ng byahe ni Sereno at mga staff nito sa loob at labas ng bansa kasama na rin ng travel purpose, air fare, accomodation at allowance.
Ulat ni: Moira Encina