DOJ, iimbestigahan ang paggamit ng mga pulis Caloocan sa isang menor de edad sa pagnanakaw
Iimbestigahan ng DOJ ang paggamit ng mga pulis Caloocan sa isang menor de edad para pagnakawan ang bahay na kanilang ni-raid nang walang search warrant noong September 7.
Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang DOJ Task Force on Child Protection na siyasatin ang posibleng pag-abuso sa naturang menor de edad ng labing-tatlong pulis Caloocan na kasama sa operasyon.
Kabilang sa direktiba ni Aguirre sa Task Force ay ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga pulis na nakagawa ng anomang uri ng child abuse.
Ayon sa kalihim, dapat maparusahan sa ilalim ng batas ang sinumang umabuso sa kabataan.
Paliwanag pa ni Aguirre anumang klase pag-abuso sa kabataan ito man ay physical o psychological injury ay child abuse.
Nakunan sa CCTV ng bahay ng ginang na ginalugad ng mga pulis sa Barrio Sta. Rita sa Tala, Caloocan na may kasamang bata ang raiding team na siyang kumuha ng ilang personal na gamit sa loob ng bahay.
Ulat ni: Moira Encina