May-ari ng bodega kung saan nakumpiska ang 6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs tinangkang tumakas ng bansa ayon sa DOJ
Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nagtangkang lumabas ng bansa ang sinasabing may-ari ng bodega kung saan nahuli ang 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu mula sa China sa tulong ng isang immigration personnel pero nahadlangan sa airport.
Sinabi ni Aguirre sa media briefing sa Malacanang tinangkang lumabas ng bansa si Richard Cheng sa tulong ng isang empleyado ng Bureau of Immigration o BI noong nakaraang linggo pero dahil naglabas ang DOJ ng lookout bulletin ay nahadlangan ito.
Ayon kay Aguirre dalawang beses ng tinangka ni Chen na lumabas ng bansa pero hindi siya nagtagumpay kahit may kasabwat itong BI personnel.
Inihayag ni Aguirre pinaghahanap na ng NBI ang BI personnel na nag-AWOL na umano’y tumulong kay Cheng upang makalabas ng bansa at nagtangkang manuhol pa ng isang BI personnel upang mapalusot ang Chinese warehouse owner subalit tinanggihan ng immigration supervisor.
Iginiit ni Aguirre kapag napatunayan na tinangka ng AWOL na BI personnel na manuhol ng BI supervisor para mapalusot si Cheng ay mahaharap ito sa kasong kriminal.
Ulat ni Vic Somintac