Oral Arguments ng Korte Suprema sa mga petisyon kontra sa 1-year Martial Law extension sa Mindanao, itutuloy ngayong araw
Itutuloy ngayong araw ng Korte Suprema ang Oral arguments sa mga petisyon kontra sa isang taong pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.
Sa oras na matapos ng mga mahistrado ang pagtatanong sa kampa ng mga petitioners ay ang Office of the Solicitor-general naman ang maglalahad ng kanilang argumento para idepensa ang muling pagpapalawig ng Batas Militar.
Inatasan rin ng Korte Suprema na dumalo sa pagdinig sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero at Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa unang araw ng pagdinig, tinanong ni Associate Justice Lucas Bersamin si Atty. Christian Monsod na miyembro ng 1986 Constitutional Commission kung naikunsidera ba ng ConCom ang iba pang banta laban sa rebelyon at pananakop gaya ng terorismo nang kanilang balangkasin ang probisyon tungkol sa Martial Law sa ilalim ng 1987 Constitution.
Inamin ni Monsod na hindi nabanggit sa mga deliberasyon ang isyu ng terorismo at hindi nila binuo ang 1987 Constitution para tumugon sa mga isyu na maaaring danasin ng bansa sa susunod na 20 taon.
Iginiit ni Monsod na may sapat na kapangyarihan ang estado st militar para tugunan ang terorismo nang hindi kailangan ng batas militar.
Ipinunto naman ni Associate Justice Samuel Martirez sa kaniyang interpelasyon kung bakit paranoid ang mga petitioners sa batas militar pero hindi sa terorismo.
=== end ===
Ulat ni Moira Encina