Mindanao, magiging “Land of fulfillment” kapag tuluyan nang nasawata ang rebelyon sa pamamagitan ng Batas Militar- SolGen
Ipinagpatuloy ng Korte Suprema ang Oral Argumets sa apat na petisyon na kumukwestyon sa Constitutionality ng isang taong pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.
Sa ikalawang araw ng pagdinig, ang Office of the Solicitor General naman ang naglahad ng argumento para ipagtanggol ang muling extension ng martial law sa Mindanao.
Sa kaniyang opening statement, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na constitutional ang Joint Resolution ng Kongreso na nagpapalawig ng isang taon sa martial law at pinapayagan ng Saligang Batas na palawigin ang deklarasyon ng Batas Militar nang higit sa isa.
Aniya, napatunayan ng Pangulo at ng Kongreso na may probable cause na nagpapatuloy ang rebelyon sa nasabing rehiyon at para sa public safety ay kailangang palawigin ang Martial Law proclamation at ang suspensyon ng Priviledge of the Writ of Habeas Corpus.
Ipinunto pa ni Calida na ang kongreso ang mayroong absolute discretion o kapangyarihan na idetermina ang haba ng extension.
ang sixty-day period aniya na nakasaad sa Section 18 ng Article 7 ng Saligang Batas ay hindi nag-a-apply sa extension ng Martial Law.
Binigyang-diin pa ni Calida na kapag tuluyan nang nasawata ang rebelyon sa Mindanao sa pamamagitan ng Martial Law ay magiging Land of Fulfillment na ang nasabing rehiyon mula sa pagiging Land of Promise.
Buong bansa aniya ang nakikinabang kapag nangyari ito dahil sa mga yamang mineral at agrikultura na mayroon ang Mindanao at hindi na rin gagastos ang pamahalaan ng milyun-nilyong piso para labanan ang rebelyon.
=== end ===
Ulat ni Moira Encina