Sanofi, nagbayad na sa DOH para sa natitirang dose ng Dengvaxia
Nakapagbayad na ng mahigit isang bilyong piso ang Sanofi Pasteur sa Department of Health o DOH para sa refund ng nalalabing dose ng Dengvaxia.
Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na 1.16 billion pesos ang naibayad na ng Sanofi.
Ayon sa kalihim, may hinihintay pang kasunod na refund ang DOH para naman sa natitirang stock ng Dengvaxia na kukunin ng Sanofi sa Lunes.
Nilinaw ni Duque na hindi pa tapos ang kanilang imbestigasyon sa Sanofi kahit nag-refund ang kumpanya.
Aniya, kailangan pang alamin ng DOH kung may mahalagang impormasyon na ikinubli ang sanofi kaugnay ng anti dengue vaccine.
Una nang iginiit ng Sanofi na ang kanilang pagtugon sa hiling na reimbursement ng DOH ay walang kinalaman sa isyu ng kaligtasan o kalidad ng Dengvaxia.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===