MILF Leadership, nagpasalamat sa pagsusulong ng gobyerno ng BBL
Suportado ng mga residente ng Cotabato City ang pagpapatibay ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL
Lumabas sa lansangan ang mga residente para ipakita sa mga senador na sinusuportahan nila ang hakbang para sa pagtatayo ng Bangsamoro entity sa ilalim ng BBL.
Pero sa kanilang mga bitbit na placads, iginiit ng mga residente na ang kanilang sinusuportahan ay ang BBL version na isinumite ng Bangsamoro transition commission.
Personal na nagtungo ang mga Senador sa Cotabato city para magsagawa ng public hearing at konsultahin ang mga taga-Mindanao sa mga lalamanin ng BBL.
Bago ang pagdinig, nakipagdayalogo sina Senador Sonny Angara, chairman ng Committee on local government, Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito at Risa Hontiveros sa mga miyembro ng MILF sa kanilang kampo sa nasa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Ayon kay MILF chairman Al Haj Murad Ebrahim, ang personal na pagbisita ng mga senador ay pagpapakita lamang ng sinseridad na seryoso ang gobyerno sa pagsusulong ng peace process at pagpapatibay ng BBL.
Umaasa ang MILF na hindi matutulad ang BBL sa mga pinasok nilang kasunduan sa gobyerno kabilang na ang 1996 peace agreement.
Inamin ni Ibrahim na dahil sa mga bigong kasunduan, mahigit isandaang libo katao na ang nagbuwis ng buhay at bilyon bilyong pisong mga ari-arian na ang nawasak bunga ng digmaan.
Ulat ni Meanne Corvera
=== end ===