Dating BOC Chief Nicanor Faeldon, dumulog sa Korte Suprema kaugnay ng kaniyang pagkakadetine sa Senado
Kinuwestyon ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa Korte Suprema ang patuloy niyang pagkakakulong sa Senado.
Simula noong Setyembre ng nakaraang taon ay nakadetine sa Senado si Faeldon kaugnay sa imbestigasyon nito sa korapsyon sa BOC dahil sa 6.4 bilyong pisong shabu shipment.
Sa 30 pahinang petisyon ni Faeldon, hiniling nito sa Supreme Court na atasan ang Senado na ipawalang-bisa at ipatigil ang kanyang detensyon at iutos ang paglaya niya.
Nais din ng kampo ni Faeldon na ideklara ng Korte Suprema na iligal ang pag-aresto at pagkulong sa kaniya ng Senate Blue ribbon committee.
Giit pa ni Faeldon na ang pag-aresto at pagkulong sa kaniya ay labag sa karapatan niya sa due process.
Wala rin aniyang Legislative purpose ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee kundi para lamang sa obsession sa kaniya, grandstanding at media mileage ni Senador Panfilo Lacson at para usigin at hiyain siya nito.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===