Hinihinalang Spanish terrorist na nadakip sa Basilan, naghain ng kontra-salaysay sa DOJ
Naghain ng kontra-salaysay sa Department of Justice o DOJ ang hinihinalang teroristang Espanyol na nadakip ng militar sa Basilan.
Humarap sa DOJ si Abdelhakim Labidi Adib para panumpaan ang kaniyang counter-affidavit sa reklamong illegal possession of explosives na isinampa laban sa kaniya ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Kasama ni Adib ang abugado niya mila sa Public Attorney’s office o PAO at ang interpreter nito na nagsalin at nagpaliwanag sa kanya sa Espanyol ng kanyang kontra-salaysay.
Ayon kay Atty. Jonalyn Barquez ng PAO na nagsilbing abogado ni Adib, itinanggi ng dayuhan sa kanyang counter-affidavit ang mga akusasyon laban sa kanya ng AFP.
Hindi anya inaresto si Adib sa checkpoint taliwas sa reklamo ng militar.
Pinasinungalingan din ni Adib na siya ang may-ari ng bag na naglalaman ng mga pampasabog.
Kaugnay nito, idineklara ni Senior Assistant State prosecutor Peter Ong na submitted for resolution na ang kaso laban sa banyaga.
Batay sa reklamo ng AFP, kilala si Adib na Abu Sayyaf sympathizer at taga-suporta ng pagkakaroon ng Islamic caliphate sa Pilipinas.
Nabatid din na overstaying na sa bansa ang Espanyol dahil nagpaso na noong Disyembre ng nakaraang taon ang tourist visa nito.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===