Dating Pangulong Aquino, dating Health Secretary Janette Garin at Abad sinampahan ng reklamo dahil sa paglabag sa election law kaugnay sa Dengue Vaccination program

Sinampahan ng reklamo sa Commission on Elections o Comelec sina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Health Secretary Janette Garin dahil sa paglabag sa election laws matapos ipatupad ang kontrobersyal na 3.5 bilyong pisong anti-dengue vaccination program noong 2016.

Ang reklamong paglabag sa Omnibus Election code laban kina Aquino at Garin ay inihain ng grupong Volunteers against Crime and Corruption o VACC at ni dating DOH Consultant Dr. Francis Cruz sa Comelec legal department.

Kabilang sa inireklamo sina dating Budget secretary Florencio Abad at ilang opisyal ng DOH.

Ayon sa mga complainant, nilabag nina Aquino, Garin at Abad ang probisyon sa Omnibus election code na nagbabawal sa paglabas at paggamit ng pondo ng pamahalaan para sa pangangampanya ilang araw bago ang eleksyon.

Ipinunto ng VACC at ni Cruz na ipinalabas nina Aquino ang 3.5 bilyong pisong pondo para sa anti-dengue vaccine sa loob ng apatnapu’t limang araw bago ang eleksyon na ipinagbabawal sa Section 261 ng Omnibus election code.

May pananagutan din anila ang ilang DOH officials dahil sa unang round ng implementasyon ng dengue vaccine program noong Abril 2016 na panahon ng election ban.

Sinabi pa sa reklamo na ginamit ang pondo ng bayan ng Liberal party na partido ni Aquino para sa pangangampanya ng mga kapartido nito at impluwensyahan ang publiko para suportahan at iboto ang mga pambato ng ruling party noong halalan 2016.

Ulat ni Moira Encina

=== end ===

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *