Tatlong sinibak na DOJ employees dahil sa katiwalian, inilagay sa Immigration look-out bulletin order
Inilagay na sa Immigration lookout bulletin order ang tatlong sinibak na kawani ng Department of Justice o DOJ matapos masangkot sa anumalya sa pagproseso ng visa sa Bureau of Immigration o BI.
Ang mga ito ay sina Cyruz V. Morata, Abvic Ryan Maghirang at Shigred Erigbuagas.
Sa memorandum ni Justice secretary Vitaliano Aguirre II kay Immigration commissioner Jaime Morente, sinabi na maaaring takasan ng tatlo ang kanilang pananagutan sa batas sa bigat ng posibleng paglabag na nagawa ng mga ito.
Una nang iniutos ni Aguirre sa NBI na imbestigahan ang posibleng paglabag ng mga nasabing empleyado sa anti-graft law at kasuhan ang mga ito kung kinakailangan.
Ayon sa kalihim, inamin ng tatlong empleyado ang kanilang pagkakadawit sa isyu ng visa processing sa BI.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===