Malakanyang, naninidigang walang rice supply shortage sa bansa

Iginiit ng Malakanyang na walang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinaliwanag na ni National Food Authority o NFA Council Chairman at Cabinet secretary Leoncio Evasco Jr. kay Pangulong Duterte ang sitwasyon ng suplay ng bigas sa bansa.

Ayon kay Roque, naninindigan si Secretary Evasco na hindi papayagan ang hirit ni NFA Administrator Jayson Aquino na gamitin na ang standby rice importation authority na 250,000 metric tons.

Inihayag ni Roque na hindi na kailangan ang importation dahil mayroong paparating na 325,000 metric tons para sustinihan ang rice supply sa bansa.

Hindi naman niliwanag ni Roque  kung bakit nagkukulang ang rice stock ng NFA gayong sinasabing sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Batay sa report, mismong ang NFA ang nagsasabi na tatagal na lamang ng 35 araw ang kanilang stock kaya maraming NFA Retail store sa iba’t-ibang lugar ang nawalan ng suplay.

Inirereklamo ng mga mamimili na totoong may bigas na mabibili sa mga palengke subalit ito ay commercial rice na mas mahal ang presyo kumpara sa NFA rice.

Ulat ni Vic Somintac

===  end  ===

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *