Mga batang naturukan ng Dengvaxia, libre nang magpagamot sa lahat ng mga pribadong ospital
Libre nang magpagamot sa lahat ng mga pribadong ospital sa buong bansa ang mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Ayon kay Health Assistant secretary Maria Francia Laxamana, nagkaroon ng kasunduan ang ahensya at mga private hospitals na libre na ang kanilang serbisyo at hindi na rin hinihingan ng down payment ang mga dengvaxia recipient.
Sagot ng Philhealth ang pagpapagamot o kung wala naman itong health insurance ay dapat na agad itong i-enroll.
Kung sosobra aniya ang hospital bill sa sasagutin ng Philhealth ay inaatasan naman ang mga lokal na pamahalaan na akuin muna ang pagbabayad nito at i-reimburse na lamang sa DOH.
Bukod sa mga pribadong ospital, hinikayat ni Laxamana ang mga biktima ng Dengvaxia na magpagamot sa government hospitals dahil kumpleto ito sa pasilidad at may sapat na mga eksperto.
=== end ===