Pagbasa ng sakdal kay Customs fixer Mark Taguba, ipinagpaliban ng Korte
Hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal ng Manila regional trial court kay Customs fixer Mark Ruben Taguba II kaugnay sa kaso nitong drug importation dahil sa pagkakapuslit sa bansa ng 6.4 bilyong pisong shabu shipment.
Ipinagpaliban ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa ang arraignment dahil sa nakabinbing petition for review ni Taguba sa DOJ.
Muli namang itinakda ng hukuman ang arraignment sa Pebrero 23.
Sa ilalim ng Rules of Court, mayroong 60 araw para ituloy ang pagbasa ng sakdal simula nang ihain ang kaso.
Pinayagan naman ng Judge na manatili sa kustodiya ng NBI si Taguba habang hindi pa nadedesisyunan ang mosyon nito na huwag mailipat sa City jail.
Samantala, nag-isyu ng show cause order ang Korte laban sa NBI kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng contempt dahil sa kabiguang dalhin si Taguba sa Manila city jail kahit may commitment order na para dito.
Kasabay nito, iniutos ng husgado na ilipat na sa Manila city jail ang consignee ng shabu shipment na si Eirene Mae Tatad mula sa NBI detention facility.
Binigyan naman ng 10 araw ng Manila RTC ang prosekusyon para magkomento sa motion to quash information na inihain ng kampo ni Tatad.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===