Labor Policy ng Pilipinas sa lahat ng mga bansa sa buong mundo na may presensya ng mga OFW, pinarerepaso

Ipinarerepaso ni Senador Sherwin Gatchalian ang lahat ng Labor policy ng gobyerno sa buong mundo kung saan may nagta-trabahong Overseas Filipino Workers o OFWs.

Kasunod ito ng nabunyag kahapon sa pagdinig ng Senado na umaabot na sa 196 ang mga Pinoy na namatay sa Kuwait sa nakalipas lamang na tatlong taon.

Ayon kay Gatchalian, dapat isa-isahin ng gobyerno ang pagrepaso sa mga Labor laws o policy sa lahat ng mga bansa kung saan nagta-trabaho ang mahigit 10 milyong OFWs.

Nais ni Gatchalian na palawakin pa ang ipinatutupad na deployment ban sa Kuwait at ipatupad din ang ganitong sistema sa mga bansang walang ipinatutupad na batas o kasunduan para protektahan ang mga dayuhang manggagawa.

Iginiit ng Senador na dapat magkaroon ng paninindigan partikular na ang DOLE para hindi nalalagay sa balag ng alanganin ang mga migrant workers.

Kung kinakailangan aniyang magkaroon ng bilateral agreement ay dapat gawin ng Pilipinas at tigilan muna ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy hangga’t hindi nagiging full-compliant ang iba pang bansa kabilang na ang Kuwait.

“Hindi dapat nagpapadala doon until maging full-compliant sila. Kung may malasakit at may puso ka sa manggagawa, sa haba ng panahon wala silang ginagawa. Review all the countries na may presence ng mga OFW regardless ng trabaho doon. Dapat isa isahin yan, wag tayong tamad kung kailangang magkaroon ng bilateral agreement”.

 

Ulat ni Meanne Corvera

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *