Dunkin Donuts at mga opisyal nito kinasuhan ng Tax Evasion sa DOJ dahil sa mahigit 1 bilyong pisong utang sa buwis
Sinampahan ng reklamong Tax Evasion ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa Department of Justice o DOJ ang isang kilalang Donut outlet dahil sa mahigit isang bilyong utang sa buwis.
Kabuuang 1.12 bilyong piso ang hinahabol na buwis ng BIR para sa taong 2007 sa Golden Donuts Incorporated o GDI na exclusive franchisor at license grantee ng Dunkin Donuts ng Amerika.
Kabilang sa kinasuhan ng BIR ng paglabag sa tax code ang mga opisyal ng Golden Donuts na sina Walter Spakowski-Presidente; Miguel Prieto-Treasurer; Pedro Paraiso-Chief Financial officer at Jocelyn santos-Vice President for Finance and Administration.
Ayon sa BIR, ang kaso laban sa GDI ay nag-ugat sa natanggap nilang confidential information na nagkaroon ng substantial underdeclaration sa kanilang kita ang kumpanya.
Nabatid ng BIR sa imbestigasyon nito na sinadyang binago o in-alter ng GDI ang mga sales invoice na inisyu ng iba-ibang suppliers para lumabas na tumugon ito sa Substantiation requirements.
Ilan din sa mga invoice ay walang tax identification number ng Golden Donuts at sa pamamagitan nito ay nakakuha sila ng deduction sa income at input VAT credits na nagkakahalaga ng 99.3 milyong piso at 11.92 milyong piso.
Naungkat din ng BIR na 39 percent ang under-declaration sa benta ng Golden Donuts at 38.96 milyong piso naman ang under-declaration din ng GDI sa kanilang royalty income.
Una nang binatikos ni Pangulong Duterte ang pamilya Prieto na nagmamay-ari ng franchise ng Dunkin’ Donuts sa bansa dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Ulat ni Moira Encina