Dating Pangulong Aquino, Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at iba pa, sinampahan ng reklamong katiwalian at Falsification of public documents sa Ombudsman
Inireklamo ng katiwalian at Falsification of Public documents sa Ombudsman ng isang abugado sina dating Pangulong Noynoy Aquino, Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at iba pa.
Ito ay kaugnay sa pagtatalaga kay Sereno ng dating Pangulo sa kabila umano na kuwestyonable ang Statement of Assets, Liability and Networks o SALN at resulta ng Psychiatry tests ng Punong Mahistrado.
Sa 10 pahinang reklamo ni Atty. Eulogio Mallari, maliban kay Aquno at Sereno, inireklamo din sina Judicial and Bar Council Executive Director Annaliza Ty-Capacite at JBC Chief of Office of Selection and Nomination Richard Pascual.
Nagsabwatan umano sina dating Pangulong Aquino at mga taga-JBC upang mailusot si Sereno para maging Punong Mahistrado sa kabila na hindi ito kwalipikado.
Tinawag pa sa reklamo ni Mallari na De facto Chief Justice si Sereno lalu pa’t hindi naman pasok sa criteria na itinatadhana ng batas.
Ilan naman sa mga ginamit na ebidensya ni Atty. Mallari ay mga Newspaper clippings mula sa ilang mga pahayagan at online news sites para patotohanan ang akusasyon laban kina Aquino at iba pa.
Ulat ni Meanne Corvera