Deployment ban sa mga bansa sa Middle East, posibleng ipatupad ayon sa DOLE
Maaring ipatupad ng pamahalaan ang deployment ban sa iba pang bansa sa middle east na may mataas na kaso ng pag-abuso at pag-maltrato sa mga OFWs.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na posible nilang palawigin ang deployment ban kung mabibigo ang ibang bansa sa Middle East na palakasin ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga pilipinong manggagawa.
Partikular na tinukoy ng kalihim ang Saudi Arabia kung saan nakagawian nang ipasa sa ibang amo ang kanilang mga kasambahay na tinatawag na kafala system
Ayon kay Bello, ang pagbabawal sa kafala ang isa sa mga probisyon na gusto ng pamahalaan na mapasama sa kasunduan na isinusulong sa Kuwait.
Sa ilalim ng kafala o sponsorship system, ang Arabo na employer ng OFW ang may kontrol sa galaw nito
Hindi rin pinapayagan na makalipat ng ibang employer ang OFW hanggang walang permiso ang kanyang amo.
Ulat ni Moira Encina