Mga Senador, nagsagawa ng occular inspection sa Boracay

 

Ininspeksyon ng mga Senador ang mga istruktura sa Boracay island na sinasabing lumabag sa itinatakdang distansya at environmental rules.

Bahagi ito ng imbestigasyon ng Senate committee on environment na pinamumunuan ni Senador Cynthia Villar sa problema sa Boracay at epekto sa kalikasan ng mga itinayong istruktura partikular na sa mga wetland areas.

Nauna nang inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources o DENR at Department of Tourism o DOT ang pansamantalang pagpapasara sa Boracay para isaayos ang drainage system at pagpapa- demolish sa mga istruktura na malapit na sa shoreline.

Pero paalala ni Senador Sonny Angara, bago ang shutdown at simulan ang rehabilitasyon ng Boracay, kailangan munang tiyakin ng gobyerno na may nakalaang ayuda para sa mga posibleng mawalan ng trabaho.

Sinabi ni Angara na batay sa report ng Local government unit sa Aklan, umaabot sa 19,000 mga manggagawa ang maaapektuhan.

Nanawagan ang senador sa mga stakeholders na samantalahin ang Green Jobs Law na titiyak sa paglikha ng mga trabaho na may kaugnayan sa rehabilitasyon, restorasyon at paglilinis ng kapaligiran at ng mga natural na yaman ng bansa.

Sa ilalim ng Republic Act 10771 na ini-sponsor ni Angara, ang green jobs ay mga trabahong ang layunin ay siguruhing protektado ang ecosystems, biodiversity at pigilan ang pagdami ng basura at paglala ng polusyon.

May programa din aniya ang Department of Labor and Empployment o DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa mga Displaced Workers na nagkakaloob ng emergency employment sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho, resulta ng biglaang pagsasara ng kumpanyang o pinapasukan ng mga ito.

Senador Angara:

“While we fully support the immediate rehabilitation of Boracay, we can’t turn a blind eye to the possible displacement of thousands of workers. Libu-libong pamilya ang maaapektuhan nito.  Umaasa tayo na ang rehabilitasyon nito ay magiging daan upang mas lumobo ang turismo sa bansa na tiyak na lilikha ng dagdag trabaho lalo na para sa mga lokal ng Boracay”.

 

Ulat ni Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *