Ilang empleyado at opisyal ng Korte Suprema, nagsuot ng pulang damit bilang panawagan na magbitiw si Chief Justice Sereno
Naghiyawan at pinalakpakan ng mga empleyado ng Korte Suprema ang mga mahistrado na dumalo sa flag raising Ceremony sa Supreme court compound.
Ito ang kauna-unahang flag raising ng Korte Suprema simula nang mag-indefinite leave si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kapansin-pansin na nakasuot ng pulang damit ang ilang empleyado ng Supreme Court habang ang ilang mahistrado at opisyal na lalaki ay nakakurbata na pula.
Kabilang sa mga ito si Court administrator Midas Marquez habang si Justice Teresita de Castro ay nakasuot ng pulang floral na damit.
Ang pagsusuot daw ng pula ng mga SC employees at officials ay bilang panawagan sa pagbibitiw ni Sereno bilang Punong Mahistrado.
Siyam na SC justices ang presente sa seremonya habang hindi nakadalo si Acting Chief Justice Antonio Carpio.
Dumalo rin sa seremonya ang dating Hukom na si Romeo Calleja, at mga opisyal at miyembro ng Philippine Judges Association.
Nanguna sa flag raising ay ang Office of the bar confidant.
Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta sa labas ng Korte Suprema ang mga supporters ni Sereno.
May bitbit din silang mga plakard na nagsasaad ng kanilang pagtutol sa impeachment laban kay Sereno.
Isinigaw din nila sa labas ng SC na “Protektahan ang demokrasya at wag babuyin ang Konstitusyon”.
Ulat ni Moira Encina