DOT, tiniyak na maisasalba ang Boracay island sa pamamagitan ng rehabilitasyon
Naniniwala ang Department of Tourim o DOT na may magandang epekto sa iba pang mga tourist spot sa bansa ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik sa dating kalagayan ang isla ng Boracay.
Reaksyon ito ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre sa desisyon ni Pangulong Duterte na isailalim sa rehabilitasyon ang sikat na tourist destination sa bansa.
Sa panayam ng DZEC Radyo Agila, sinabi ni Alegre na kumikilos na ang iba pang mga local government officials upang ayusin at tutukan ang mga tourist spot na kanilang nasasakupan.
Samantala, nanawagan ang binuong Inter-agency task force sa taumbayan na makipagtulungan para maibalik ang tamang proseso sa Boracay island.
Sinabi ni Alegre na nakikita na ng buong mundo ang seryosong hakbang ng kasalukuyang administrasyon upang pangalagaan ang turismo sa ating bansa dahilan para dagsain ito ng mga dayuhang turista.
Sa katunayan aniya, umabot na sa mahigit 6.6 milyong foreign tourist ang dumating sa bansa noong nakalipas na taon.
“Itong gagawin nating paglinis, makabubuti para sa lahat at sa isla ng Boracay na naabuso ng napakatagal na panahon. Di na ba natin pwedeng tingnan yung aspetong “one step backward, two steps forward. Sabi nga ni Tourism Secretary Wanda Teo, we must swallow the bitter pain if we want to save and sustain Boracay. Tinitiyak po namin sa inyo na sa ilalim ng Duterte administration, Boracay will be saved.” – DOT Asec, Ricky Alegre
==================