Malakanyang, hindi naniniwalang may kudeta sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso
Intriga lang umano ang umuugong na balitang may namumuong Coup de Etat laban sa liderato ng Kamara de Representantes.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng lumutang na balitang si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang ipinopormang pumalit kay House Speaker Alvarez Pantaleon Alvarez .
Sinabi ni Roque na may mga malalapit naman siyang kaibigang Kongresista na kanyang nakakausap tungkol sa isyu at nagsabing walang napag-uusapan sa pagpapalit ng liderato sa Kongreso.
Ayon kay Roque ang nais ni Pangulong Duterte ay atupagin ng mga mambabatas ang kanilang legislative duty dahil maraming mga nakabinbing panukalang batas kasama na ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Una ng inihayag ng Malakanyang na nananatili ang kumpiyansa ng Pangulo sa liderato ni Alvarez sa Mababang kapulungan.
Ulat ni Vic Somintac