Senador Trillanes sinampahan ng kasong Inciting to SEDITION sa Pasay City court
Nakitaan ng piskalya ng sapat na batayan para sampahan ng kasong Inciting to Sedition sa hukuman si Senador Antonio Trillanes IV.
Ang kaso laban sa senador ay inihain ng Pasay city prosecutor’s office sa Pasay City Regional trial court.
Sa resolusyon ni Senior Assistant City prosecutor Joahna Gabatino-Lim, sinabi na ang pananalitang ginamit ni Trillanes sa talumpati nito sa Senado noong October 3, 2017 ay pasok sa Inciting to Sedition.
Sa nasabing talumpati, sinabi ni Trillanes na kung makikita ng mga sundalo ang mga tagong yaman ni Pangulong Duterte ay gagamit ang mga ito ng M-60 para patayin ang Pangulo dahil sa dami ng yaman nito.
Ibinasura naman ng piskal ang reklamong Proposal to commit Coup D’ etat at katiwalian laban kay Trillanes.
Nag-ugat ang kaso sa mga reklamong inihain ng grupo ng abugadong si Eligio Mallari sa piskalya sa Pasay.
Ayon kina Mallari, mistulang hinihimok ni Trillanes ang mga sundalo na patayin ang Pangulo.
Ulat ni Mora Encina