Senador Trillanes tinawag na panggigipit ang kasong isinampa sa kaniya ng Gobyerno
Tinawag na panggigipit ni Senador Antonio Trillanes IV ang kasong Inciting to Sedition na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Trillanes, haharapin niya ang kaso dahil malinaw na baluktot at panggigipit umano ang kaso
Ibinatay kasi aniya ang kaso sa privilege speech ng senado gayong malinaw sa batas na mayroon siyang constitutionally immunity from suit.
Kung ang pakay aniya ng kaso ay takutin siya para umatras sa mga pagbatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi niya ito gagawin.
Iginiit ni Trillanes na may sapat siyang ebidensya na magpapatunay sa kaniyang mga alegasyon laban sa Pangulo lalo na ang umano’y ill -gotten wealth nito na hindi idineklara sa kanyang Statements of Assets and Liabilities and Networth o SALN.
“Hindi gaya ni Duterte na duwag humarap sa kaso, haharapin ko ito.
Maliwanag na baluktot at panggigipit itong kasong ito na nakabase sa priviledge speech ko sa Senado na bukod na sa merong constitutionally guaranteed immunity from suit, ay wala akong inincite na kung sino to do anything. Kung ang pakay nito ay takutin ako para umatras ako sa pagpuna kay Duterte, well, sabi ko nga dati pa, lalo pa akong ginaganahang tumayo laban sa mali at masama”-Sen. Trillanes
Ulat ni Meanne Corvera