Mga kawani at opisyal ng Korte Suprema muling nagsagawa ng ‘Red monday’ protest
Ipagpapatuloy ng mga opisyal at kawani ng Korte Suprema ang kanilang Red Monday protest sa kanilang flag ceremony ngayong umaga bilang ipanawagan ang pagbibitiw ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Ito na ang ikatlong Lunes na nagsuot ng pula ang mga SC Officials at employees sa kanilang Flag raising ceremony simula nang mag-indefinite leave si Sereno.
Noong nakaraang Lunes, pormal nang inihayag ng mga grupo ng mga hukom, opisyal at kawani ng Hudikatura ang kanilang naisin na magbitiw si Sereno bilang Chief Justice.
Itinanggi naman nila na sila ay pinilit para gawin ito.
Samantala, hanggang ngayong araw na lang ang pagsusumite ni Sereno ng kanyang komento sa Petition for Quo Warranto na inihain ng Office of the Solicitor General.
Hiniling ng OSG sa Supreme Court na ideklarang void o walang bisa ang appointment ni Sereno bilang Punong Mahistrado at patalsikin ito sa pagiging Chief Justice dahil sa hindi ito nakatugon sa mga hinihinging kwalipikasyon.
Ulat ni Moira Encina