IBP, pormal nang inihain sa Korte Suprema ang kanilang pagtutol sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno
Naghain na ng mosyon ang Integrated Bar of the Philippines sa Korte Suprema na payagan silang makabahagi sa Quo warranto petition laban kay Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno bilang intervenor.
Kalakip nito ay inihain din ng IBP sa Supreme Court ang kanilang opposition-in-intervention na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa quo warranto petition.
Hinihiniling din nila na ibasura ang nasabing petisyon ng OSG.
Ayon sa IBP, lagpas na sa panahon na pinapayagan ng batas ang Quo warranto na isinampa ng Office of the Solicitor-General laban kay Sereno.
Sa ilalim anila ng Rule 66 ng Rules of Court, dapat ihain ang quo warranto sa loob ng isang taon mula sa panahon ng pag-usbong ng dahilan ng pagpapatalsik sa puwesto.
Sinabi ng IBP na nagpaso ang prescriptive period dahil si Sereno ay naging Chief Justice noong 2012 pero inihain lang ang quo warranto nitong March 2018.
Tanging sa Impeachment lang din anila ang paraan ng pagpapatalsik sa isang Impeachable officer.
Ulat ni Moira Encina