Mga opisyal ng Manila International airport authority, nag-inspeksyon sa mga paliparan
Nagsagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng Manila International Airport authority o MIAA sa mga paliparan upang matiyak kung may sapat na seguridad at may maayos na sistea sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mahabang bakasyon.
Bagamat isang linggo bago ang mahabang bakasyon, dagsa na ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International airport o NAIA at inaasahang bukas ay magsisimula na ang pagbuhos ng mga pasahero sa mga terminal.
Ayon sa MIAA, posibleng umabot sa 1.8 million ang mga pasahero.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, bukod sa mga airport personnel, aabot sa mahigit 300 airport police ang ipinakalat para tumulong sa pagmamantine sa mga pasahero.
Nakiusap aniya sila sa mga Airline companies na huwag munang payagang mag-leave ang kanilang mga empleyado para may sapat na tauhan na aasiste sa mga pasahero.
Nagpaalala rin ang MIAA sa mga pasahero na maging maaga sa pagpunta sa paliparan at iwasan ang pagdadala ng mga bagay na mahigpit na ipinagbabawal.
Sabi rin ni Monreal na nakatuon sila ngayon sa pagpapaganda pa ng serbisyo sa mga airport terminals.
Nagpapasalamat din sila sa pagkakatanggal ng NAIA sa listahan ng worst airport sa buong mundo.
Ilan aniya sa ginawa nilang hakbang ay paglilinis sa mga comfort rooms, libreng access sa wifi, charging station, inayos ang problema sa delay ng pag-alis at pagdating ng mga eroplano at ang kontrobersyal na laglag bala scheme.
Pinag aaralan na rin ng miaa na ilipat sa Terminal 2 ang lahat ng domestic flights habang sa terminal 3 ang international flights para maresolba ang problema sa congestion.
Ulat ni Meanne Corvera