Rice smuggler, kinasuhan sa DOJ dahil sa pagpuslit ng mahigit 10 milyong pisong halaga ng bigas
Kinasuhan ng smuggling sa Department of Justice ng Bureau of Customs ang Seven Myth marketing dahil sa tangkang pagpuslit sa bansa ng 10 milyong pisong halaga ng bigas na idineklara bilang ceramic tiles.
Kasamang sinampahan ng reklamo ang may-ari ng Seven Myth na si Leoncio Victor S. Mangubat at ang Customs broker nito na si Mary Faith Miro.
Mga paglabag sa Section 1400 o misdeclaration, misclassification, undervaluation in relation to section 1401 o Unlawful importation sa ilalim ng Customs modernization and Tariff act at Falsification of documents sa ilalim ng Revised penal code ang isinampa ng BOC laban sa consignee.
Inireklamo rin ang Importer at Broker ng Economic sabotage para sa large-scale economic smuggling dahil nagkakahalaga ng mahigit 10 milyong piso ang shipment.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, dumating sa Port of Cebu noong November 27 at 29, 2017 ang dalawang shipment ng bigas mula sa China.
Nakadeklara ang mga shipment na ceramic tiles pero nadiskubre na naglalaman ang mga ito ng mahigit 7,000 sako ng 50 kilo ng Sinandomeng Aguila at Sinandomeng Mayon.
Sa 15 container aniya na inagkat ng Consignee ay isang container lamang ang naglalaman ng ceramic tiles.
Ulat ni Moira Encina