Kampo ni VP Leni Robredo, itinangging sinabotahe ang mga balota sa Camarines Sur
Minaliit ng kampo ni Vice-President Leni Robredo ang mga alegasyon ni dating Senador Bongbong Marcos na malinaw umanong minanipula ang eleksyon noong 2016.
Katunayan umano nito ang mga butas at basang balota at nawawalang audit logs sa Camarines Sur.
Ayon sa Chief legal counsel ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, estratehiya lang ito ng kampo ni Marcos para palitawing sinabotahe ang resulta ng halalan.
Hindi na aniya bago ang kaso ng mga nabasang balota dahil nangyayari naman ito lalot nagkaroon umano ng bagyo nang dalhin sa Metro Manila ang mga ballot boxes.
Maari naman aniyang isa-isahing bilangin ang mga ballot images.
Magkakaroon lang aniya ng problema sa threshold ng ballot shading.
Romulo Macalintal:
“Siguro he has to consult his lawyer. His lawyer is a good election lawyer. Laging merong nababasa na ballot. What’s the recourse? You go to the ballot images”.
Kasinungalingan kasi nagkaroon ng bagyo doon sa area na yan sometime in Dec kaya there are ballot boxes talaga na basa. Hindi naman ibig sabihin na wala ang audit logs ay may anomaly. Ang best evidence ay ang ballots”.
Para kay Macalintal, balewala na ang ginagawang recount ng Presidential Electoral Tribunal o PET.
Sa kanya umanong karanasan bilang election lawyer, napakahabang proseso ang election protest at mula nang ipaupad ang automated elections noong 2010, wala pang nanalo sa mga naghain ng protesta.
Ulat ni Meanne Corvera