Korte Suprema magdaraos ng Oral Arguments sa April 10 sa Baguio City kaugnay sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Sereno
Magdaraos ng Oral Arguments ang Korte Suprema sa Quo warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa unang araw ng En banc session ng Supreme Court sa Baguio City, itinakda ang oral arguments sa April 10 sa ganap na 2:00 ng hapon sa SC Session Hall sa Baguio City.
Inatasan din ng SC En Banc si Sereno na personal na dumalo sa oral arguments at sagutin ang mga tanong mula sa mga mahistrado.
Kaugnay nito, ibinasura ng Korte Suprema ang mga mosyon ng Makabayan Bloc sa Kamara at ng grupo ni dating PAG-IBIG Fund CEO Zorayda Amelia Alonzo na maging intervenor sa Quo warranto petition habang noted lang ang mosyon ng Integrated Bar of the Philippines na makabahagi sa kaso.
Inihain ng Office of the Solicitor General o OSG ang Quo warranto petition laban kay Sereno para ipawalang-bisa ang pagkakatalaga nito bilang Punong Mahistrado.
Ayon sa OSG, ito ay dahil nabigo si Sereno na isumite sa JBC ang humigit kumulang 10 SALN nito nang mag-apply sa pagiging Chief Justice noong 2012 na pangunahing hinihingi ng Saligang Batas.
Ulat ni Moira Encina