Lugi sa pagsasara ng Boracay Island resort, aabot sa 20 bilyong piso-Malakanyang
Aabot umano sa 18 bilyon hanggang 20 bilyong piso ang kitang mawawala sa turismo sa anim na buwang pagsasara sa Boracay Island.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing ito ang kanilang pagtaya batay sa buwanang kita mula sa mga bumibisitang turista sa isla ng Boracay.
Ayon kay Densing ito rin ang dahilan kaya ayaw nilang magtagal o aabutin talaga ng anim na buwan ang pagsasara sa Boracay para sa gagawing rehabilitasyon.
Inihayag ni Densing, target nilang matapos ang tatlo o apat na buwang pagkakaroon na ng soft opening sa isla kapag na-dismantle na ang mga illegal establishments.
Dahil dito, hinikayat ni Densing ang lahat ng mga stakeholders na makipagtulungan para maagang matapos ang rehabilitasyon.
Kaugnay nito, may inilaan nang dalawang bilyong pisong calamity fund ang gobyerno para sa inihahandang deklarasyon ng State of Calamity sa Boracay Island.
Nilinaw ni DENR Undersecretary Jonas Leones na tanging ang mga manggagawa sa mga lehitimong hoteliers at mga negosyo sa isla ang makikinabang sa calamity fund.
Sinabi naman ni Tourism Assitant Secretary Ricky Alegre na ginagawa na ng kanilang mga regional director ang listahan ng mga apektadong manggagawa sa isla na makikinabang sa Calamity fund.
May alok na rin ang Department of Labor and Employment o DOLE para sa limang libong mga manggagawang unang maapektuhan ng pagsasara ng Boracay island simula sa Abril 26.
Ulat ni Vic Somintac