PAO naghain na mga kasong kriminal laban sa 35 indibidwal kaugnay sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia

Naghain na mga kasong kriminal sa DOJ ang Public Attorneys’ Office o PAO laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, Sanofi pasteur at Zuellig Pharma kaugnay sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Apat na hiwalay na mga reklamong paglabag sa Article 365 ng Revised Penal Code o Reckless imprudence resulting to Homicide at mga paglabag sa Anti-torture law ang isinampa ng PAO laban sa 35 respondents.

Pangunahin sa kinasuhan ng PAO at ng  apat na pamilya ng mga naturukang bata sina dating Health Secretary Janette Garin, mga opisyal ng Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.

Pinapanagot din ng PAO ang ilang opisyal ng DOH at RITM.

Sinampahan din ng kaso ang  iba pang matataas na opisyal ng gobyerno na nasa likod ng implementasyon ng mass Anti-dengue immunization program.

Hindi naman kabilang sa inireklamo si dating Pangulong Noynoy Aquino dahil sa hinihintay pa ng PAO ang report ng Senate blue ribbon committee.

Kasama ng PAO na nagpunta sa DOJ ang ilan sa mga magulang ng mga batang nasawi na dala-dala ang litrato ng kanilang mga anak.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, unang batch pa lang ito ng kaso at masusundan pa ng iba.

Iginiit ni Acosta na highly unusual at hindi coincident o hindi nagkataon lamang na nagkasakit at namatay ang mga biktimang naturukan ng anti-Dengue vaccine.

Malakas aniya ang kaugnayan ng bakuna at pagkamatay ng mga naturukan.

Umaabot na sa 41 biktima ang naisailalim na ng PAO sa Forensic examination.

Kasama sa mga ineksamen ng PAO forensic team ang isang pulis sa Bicol na nabakunahan ng Dengvaxia at namatay.

 

Ulat ni Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *