Korte Suprema naglatag na ng mga isyung tatalakayin sa Quo Warranto Oral Arguments
Inilatag na ng Korte Suprema ang mga isyung tatalakayin sa special Oral Arguments na itinakda nito sa April 10 kaugnay sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa advisory na ipinalabas ng Supreme Court, ilan sa mga tinukoy na isyu na dapat tutukan ng mga partido sa kanilang argumento ay kung naghain ng SALN si Sereno nang mag-apply sa posisyon ng Chief Justice; kung mapapawalang bisa ang pagkakatalaga kay Sereno dahil sa kabiguang maghain ng SALN at kung dapat bang katigan ang Quo Warranto ng OSG.
Nais din ng mga mahistrado na talakayin ng OSG at kampo ni Sereno kung peke ba ang sertipikasyon mula sa UP at Office of the Ombudsman na nagsasabing SALN lang nito ng 1998 at 2002 ang isinumite nito.
Pinapatalakay din ng SC kung may pag-abuso sa panig ng JBC nang isama si Sereno sa shortlist sa pagka-CJ kahit nabigo itong isumite ang lahat ng SALN nito.
Unang maglalahad ng argumento ang petitioner na OSG at pagkatapos ang respondent na si Sereno.
May tig-20 minuto ang dalawang panig para magprisinta ng argumento.
Susundan agad ng interpelasyon o pagtatanong ng mga mahistrado ang presentasyon ng bawat panig.
Samantala, nakasaad naman sa resolusyon ng Supreme Court en Banc ukol sa Quo Warranto case na kakanselahin ang nasabing Oral argument kapag hindi dumalo at sumagot under oath si Sereno.
Dapat din anilang kilalanin ni Sereno ang hurisdiksyon ng Korte Suprema na resolbahin ang Quo Warranto.
Ulat ni Moira Encina