OFW na binuhusan ng kumukulong tubig ng kaniyang amo sa Saudi Arabia, nakabalik na sa Pilipinas
Hindi naiwasan ng OFW na si Fahima Alagasi ang maging emosyonal pagdating ng Pilipinas.
Si Alagasi ang pinay na pinagmalupitan ng kaniyang amo at binuhusan ng kumukulong tubig sa Saudi Arabia noong 2014.
Bagamat tumanggi nang idetalye ang mga hirap na pinagdaanan sa loob ng nakalipas na apat na taon, masaya umano siya na nakabalik na iya sa Pilipinas.
Fahima Alagasi:
“Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng tulong sa amin para makauwi ng Pilipinas. Unang-una ang Pangulo natin si Tatay Digong po saka yung tumulong sa ‘kin Prince Abdulasis”.
9:41 ng umaga kanina nang lumapag sa NAIA Terminal 1 ang PR 655 na sinakyan ni Alagasi kasama si Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto.
Ayon kay ambassador Alonto, matagal na proseso ang pinagdaanan ng kaso ni Alagasi bago ito bigyan ng go signal ng Saudi government ang kaniyang Repatriation.
Ambassor Alonto:
“Nagkaroon ng settlement, mutual agreement all the cases compromise agreement we cannot claim who was the victim”.
2014 aniya nang tumakas ito sa kaniyang employer habang nagpapagamot nang magtamo ng second degree burn sa leeg, likod at ilang bahagi ng katawan.
Nagtitimpla umano siya ng kape nang mahulog ang takip ng termos na ikinagalit ng kaniyang amo na naging dahilan kaya binuhusan siya ng kumukulong tubig.
Humingi siya ng tulong sa Embahada ng Pilipinas para magsampa ng kaso pero sinampahan siya ng counter charges ng kaniyang amo gaya ng pagnanakaw at slander.
Ayon kay Alonto, nahirapan ang mga kinatawan ng Pilipinas na agad maiuwi si Alagasi dahil iba ang justice system sa Saudi Arabia.
Napabilis lang ang kaso nito dahil sa pakikialam mismo ni Pangulong Duterte at pag-apila nito ng personal kay Saudi Arabian prince Abdulaziz bin Saud bin Naif nang bumisita ito sa Pilipinas noong Marso.
Bukas makikipagkita si Alagasi kay Pangulong Duterte sa Davao para personal na magpasalamat.
Doon na rin umano ipagkakaloob ang iba pang tulong pinansyal para sa kaniyang pamilya.
Ulat ni Meanne Corvera