Ilang testigo at pamilya na nasa ilalim ng WPP, ilang buwan nang hindi nakatatanggap ng allowance
Nagpapasaklolo kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang ilang testigo at mga pamilya na nasa ilalim ng Witness Protection Program WPP dahil sa dalawang buwan nang hindi nakakatanggap ng allowance at iba pang benepisyo.
Ayon sa isang security personnel ng WPP, umiiyak na ang mga testigo at pamilya ng mga ito dahil sa wala na umanong pangkain, panggamot at pambayad ng safehouse.
Ang mga Security personnel o kaya ay mga piskal na aniya tuloy ang nagpapakain sa mga testigo at mga pamilya.
Pinunpuntahan na raw mismo ng mga may-ari ng safehouse ang mga testigo at pinapalayas ang mga ito dahil sa hindi binabayaran ng wpp ang upa ng bahay.
Madalas din anyang naaantala ang sweldo ng mga security personnel na nagbabantay sa mga witnesses.
Sumulat na umano kay WPP Director Nerissa Molina Carpio ang mga testigong nasa kustodiya ng WPP para iparating ang kanilang hinaing at hirap pero hanggang ngayon ay wala pang nangyayari.
Kaugnay nito umapela sila kay Guevarra na imbestigahan kung saan napupunta ang pondo ng WPP at kung nagagasta ba ito ng wasto.
Nabatid na ang in-charge sa WPP ay si Justice Undersecretary Raymund Mecate na una nang naghain ng courtesy resignation matapos magbitiw si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Umaabot sa siyamnapu ang mga testigo sa high-profile cases sa NCR na nasa WPP.
Ulat ni Moira Encina