Missionary visa ng Australyanong madre na si Patricia Fox binawi na ng Bureau of Immigration
Pinapaalis na sa bansa ng Bureau of Immigration ang Australyanong madre na si Patricia Fox.
Ito ay matapos kanselahin ng BI ang missionary visa ni Fox dahil sa paglahok sa mga partisan political activities sa Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, binawi nila ang pribilehiyo ni Fox na magkaroon ng missionary visa sa ilalim ng Section 9 ng Philippine Immigration Act of 1940.
Kaugnay nito, inatasan ng BI si Fox na lisanin ang Pilipinas sa loob ng 30 araw.
Pina-deactivate na rin ang Alien Certificate of Recognition ng banyaga.
Sinabi ni Morente na nabatid na sumasali si Fox sa mga aktibidad na hindi pinapayagan sa ilalim ng terms and conditions ng kanyang visa.
Binigyang-diin ng opisyal na ang visa ni Fox ay nagkakaloob lamang dito ng pribilehiyo na lumahok o magsagawa ng missionary work at hindi sa anomang political activities.
Nakatakdang mag’expire ang visa ng Australyano sa Setyembre a singko ngayong taon.
Gayunman, nilinaw ni BI spokesperson Atty. Antonette Mangrobang, maari pa ring pumasok at umalis ng bansa si Fox bilang turista.
Nakabinbin pa rin anya ang deportation case ni Fox dahil sa hindi pa ito nakapaghahain ng kanyang kontra-salaysay.
Ulat ni Moira Encina