Alternatibong Ruta Para sa Worldwide Walk ng INC sa May 6, inilabas na ng MMDA
Naglabas na ng listahan ng alternatibong ruta ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa pagsasara ng bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay City para sa Worldwide Walk to Fight Poverty na gagawin ng Iglesia ni Cristo sa darating na Linggo, Mayo 6.
Ayon kay Frisco San Juan, MMDA Deputy Chairman, isasara ang parehong direksyon ng Roxas Boulevard, mula Buendia hanggang P. Burgos mula hatinggabi ng Mayo 5, Sabado,
“Habang sarado ang main road, matitirang bukas ang service road para sa mga motorista pupunta sa mga establisyemento sa naturang lugar”- San Juan
Inaabisuhan ang mga motorista na dumaan sa mga rutang ito:
- Mula Radial Road 10 (R-10)/Anda Circle, kumaliwa sa Andres Soriano Jr. kumanan sa Gen. Luna St., diretso sa Maria Orosa St., kanan sa T.M. Kalaw, kaliwa sa M.H Del Pilar St. patungo sa destinasyon.
- Mula A. Bonifacio Drive, kaliwa sa P. Burgos, kanan sa Maria Orosa St., kanan sa T.M. Kalaw, kaliwa sa M.H. Del Pilar St. patungo sa destinasyon
- Mula A. Bonifacio, kaliwa sa P. Burgos, kanan sa Taft Avenue, patungo sa destinasyon
- Mula P. Burgos, kanan sa Finance Road, kaliwa sa Ayala Boulevard, kanan sa San Marcelino, kaliwa sa U.N. Avenue, kanan sa Pres. Quirino Ave., kaliwa sa South Super Highway patungo sa destinasyon
- Mula P. Burgos, kanan sa Finance Road, kanan sa Taft Avenue, kaliwa sa Pres. Quirino., kanan sa South Super Highway patungo sa destinasyon
Ayon kay San Juan, mahigit sa 500,000 katao ang inaasahang dadagsa sa Cultural Center of Philippines (CCP) at maglalakad patungong Quirino Grandstand.
“Iwasan po natin ang Roxas Boulevard at mga lugar na maaapektuhan ng aktibidad”.- San Juan
Gagamitin din para sa charity walk ang bahagi ng Diosdado Macapagal Avenue, Buendia Avenue, Taft Avenue at Road 10.
Magpapakalat naman ang MMDA ng 200 tauhan kabilang ang traffic enforcers, road emergency group at roadside clearing group para gabayan ang mga motorista, tumulong para sa pagmimintina ng kaayusan at kalinisan sa lugar matapos ang Charity walk.
Ulat ni Meanne Corvera