Paraan ng paggastos ng budget ng DOT, iimbestigahan ng Senado
Paiimbestigahan na rin sa Senado kung saan ginagastos ng Department of Tourism o DOT ang inilaang pondo ng Kongreso.
Ito’y kahit pa nagdesisyon na ang Bitag multimedia na isauli ang 60 million pesos advertisment deal sa PTV- 4 at DOT.
Sinabi ni Senador Nancy Binay, chairman ng Senate Committee on Tourism na naghain na siya ng resolusyon para tignan kung paano ginagastos ng DOT ang kanilang pondo sa advertising at marketing.
Ipapatawag aniya sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Commission on Audit o COA, Bitag at PTV- 4 dahil sa report na nagsimula ang kontrata sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement.
Sa datos ng Senado ngayong 2018, umaabot sa isang bilyon piso ang budget ng DOT para sa advertisement.
Ulat ni Meanne Corvera