Kontrata na pinasok ng DOJ sa security agency na pag-aari ni Solicitor General Jose Calida walang nilabag na batas
Idinipensa ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pinasok na kontrata ng DOJ sa security agency na pag-aari ni Solicitor General Jose Calida.
Nilagdaan ang kontrata na nagkakahalaga ng 6.76 million pesos sa panahon ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II
Ayon kay Guevarra, ligal at dumaan sa proseso ang kontrata ng DOJ sa Vigilant Investigative and Security Agency Incorporated ni Calida.
Tumalima anya sa mga procurement laws at guidelines ang kontrata ng kagawaran sa Vigilant na nagsimula noong Pebrero 1, 2018 at magtatapos sa Disyembre 31, 2018.
Gayunman sinabi ni Guevarra na dapat mas maging maingat ang DOJ sa hinaharap.
Bukod sa DOJ, may kontrata rin ang security firm sa National Economic and Development Authority, PAGCOR, National Anti-Poverty Commission, National Parks Development Committee, at National Electrification Administration.
Ulat ni Moira Encina