Drug case laban kay Peter Go Lim, submitted for resolution na matapos muling mabigong sumipot sa pagdinig ng DOJ
Hindi na papayagan ng DOJ Panel of Prosecutors ang itinuturong big-time drug lord na si Peter Go Lim na makapagsumite ng kanyang kontra-salaysay sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na inihain ng PNP-CIDG .
Ito ay matapos na muling hindi sumipot sa pagdinig ng DOJ si Lim sa kabila ng kautusan ng panel na humarap ito para mapanumpaan ang kanyang counter-affidavit.
Sa preliminary investigation, sinabi ng abogado ni Lim na si Magilyn Loja na muling ikinatwiran ng kanyang kliyente ang isyu sa seguridad nito kaya pinili na huwag dumalo sa kabila ng kanilang legal advice na magpakita ito.
Kaugnay nito, idineklara na ng DOJ panel of prosecutors na submitted for resolution ang kaso laban kay Lim kaugnay sa illegal drug trading sa Visayas.
Dahil dito, nawalang-saysay na rin ang kautusan ng panel na pinapayagan ang mosyon ni Lim na magsagawa ng hiwalay na preliminary investigation laban dito.